Italya sa mata ng isang maykapansanan (italy in the eyes of a handicapped)
1. Italya: Sa Mata ng Isang Maykapansanan
Sa mahigit anim na buwan ko sa Italya (Mula Disyembre
29,2004 hanggang Hunyo 6,2005), maliban sa pag-aaral ng
“conservation and restoration of artworks” sa Istituto Centrale
per Il Restauro, isang tanyag na paaralan sa buong mundo sa
kursong “art restoration”, ay nagkaroon din ako ng pagkakataon
na mabisita ang ilang mga lugar sa Italya tulad ng mga
simbahan, museo at ang kanilang mga matandang istruktura. At
sa tulong ng kaibigan kong paring Camilliano, bukod sa Roma
ay nakapasyal din ako sa ibang probinsiya ng Italya tulad ng
Verona, Venezia (Venice) at Firenze (Florence).
Roma(Rome)
Ang siyudad kung saan nag-aral ako at ang lugar na masasabi
kong may pinakamaraming magagandang tanawin. Mahigit sa
30 museo ang nabisita ko dito ngunit sa aking pagkalkula ay
mahigit lamang itong 25% ng kabuuang bilang ng mga museo
dito. Ang anim na pinakamagaganda ay ang Museo Vaticano,
Capitolini, Galleria Borghese, Galleria Doria Pamphilj, Galleria
2. Nazionale d’ Arte Moderna e Contemporanea, at ang Museo
Nazionale Etrusco di Villa Giulia.
Ang Museo Vaticano ang sa aking palagay ang pinakamaganda
at mayroong pinakamalaking koleksiyon ng artworks sa lahat ng
mga museong napuntahan ko. Sa laki nga nito ay kinailangan ko
pang magpabalik-balik ng mahigit tatlong beses para lang
makita ko ang kabuuan ng koleksiyon. Libre pumasok ang
publiko dito tuwing huling linggo ng buwan. Gigising ka nga
lamang ng madaling araw at pipila ng napakahaba dahil aabot sa
isang kilometro ang haba ng pila dito. Salamat na lang dahil ang
katulad kong may kapansanan ay hindi na kailangang magdaan
sa ganitong sitwasyon. Kaya minsan nagpapasalamat din ako at
naging ganito ako. Ang museo ay may “picture gallery” na
naglalaman ng napakaraming paintings ng mga sikat na artists
tulad nina Rafaello, Michelangelo, Leonardo da Vinci,
Caravaggio, Titiano, Van Dyck, Pinturicchio, Pousin, at marami
pang iba. Pwedeng kuhanan ito ng larawan ngunit kailangang
walang "flash". Ang isang parte ng museo na medyo nahirapan
akong puntahan dahil puro hagdanan ang daan patungo rito ay
ang sikat na Sistine Chapel kung saan ang bubungan ay
napapalamutian ng mga "fresco paintings" ni Michelangelo na
may temang ayon sa biblia at ginawa pa noong ika-16 na siglo.
Meron din itong tinatawag na “Stanza di Raffaello” o “kuwarto
ng pintor na Rafaelllo” kung saan naroon ang kanyang mga sikat
na "fresco paintings" tulad ng “School of Athens”. Ang
koleksiyon nila ng mga istatwa ay aabot sa libong piraso.
Sa ikalawang palapag ng museo ay may isang garden o "open
space" kung saan sa sentro nito ay may isang napakalaking
bolang metal na gawa sa bronze. Noong una kong punta dito,
3. ang akala ko ay globo lang ito ng mundo ngunit nang
magtanong ako sa guwardiya, ito pala ang “Pomodoro di
Pomodoro” na ang ibig sabihin ay “Kamatis ni Pomodoro" na
isang italianong iskultor.
Maganda ang pagkakagawa ng museo lalo na para sa mga may
kapansanang tulad ko dahil marami itong mga elevators,
escalators, at maging rampa. Nakakatuwa nga ang rampa nila
dahil “helical” ang hugis nito.
Ang pangalawang magandang museong napuntahan ko ay ang
Museo Capitolini kung sa'ay medyo nahirapan nga lang akong
puntahan dahil matarik ang hagdan paakyat dito. Ito ay binubuo
ng dalawang gusaling magkaharap. Ang isa ay naglalaman ng
mga iskultura samantalang ang pangalawa ay mga paintings
lamang ang mga nakadisplay. Ang mga karaniwang paintings na
nakadisplay dito ay gawa pa ng mga sikat na pintor noong ika-
16 at ika-17 siglo tulad nina Titian, Lotto, Rubens, Velazquez,
Caravaggio at marami pang iba.
Pangatlong magandang museong napuntahan ko ay ang Galleria
Borghese. Ito ay isang pribadong museo kung kaya’t hindi ako
nabigyan dito ng 100% libreng pagpasok. Ganoon pa man ay
binigyan rin nila ako ng 50% diskwento noong ipakita ko sa
kanila ‘yong dokumento ko tungkol sa pagiging iskolar ko ng
gobyernong Italiano. Napakaganda rin ng museong ito dahil ang
gusali nito na kulay puti ay itinayo sa loob ng isang magandang
halamanan. At gaya ng sa ibang museo ay punong-puno rin ito
ng koleksiyon ng mga iba’t-ibang uri ng mga "artworks" tulad
ng mga paintings, iskultura at iba pa. Ang hindi ko lang
nagustuhan dito ay inu-orasan nila ang mga tao. Ang pagpasok
4. ay grupo-grupo at isang oras lang binibigay para makita ang
lahat. Ngunit hindi ko ito sinunod dahil ang katwiran ko ay may
kapansanan ako at hindi ako pwedeng madaliin. At saka, isa
akong estudyante at kinakailangan ko ang mahaba-habang oras
upang mapag-aralan ng husto ang mga naka-display na artworks
lalo na ‘yong mga paintings. Nagpapasalamat naman ako sa
Diyos dahil wala ng nakipagtalo pa sa akin. Ang museo ay
naglalaman ng mga paintings nina Corregio “Danae”, Raphael
“Ang Deposisyon”, Caravaggio “San Jerome”, at marami pang
iba. Ang kanilang koleksiyon ng mga iskultura ay
napakagaganda rin. Ang mga taong istatwa na karaniwa’y gawa
sa marmol ay animo’y tunay na tao at buhay na buhay. Napaka-
perfecto ng kanilang pagkakaukit. Karamihan sa kanila ay gawa
ng mga sikat na Italyanong iskultur tulad nina Bernini at
Canova. At sa lahat ng mga iskultura dito, napansin kong
madalas na pinagkukumpulan ng mga tao ay ang isang iskultura
ni Canova. Ito ay iyong istatwa ni "Paolina Borghese" na
nakahubad at nakahiga sa isang kama. Si Paolina Borghese ay
kapatid na babae ni Napoleon Bonaparte na nakapag-asawa ng
isang Italianong mula sa angkan ng mga Borghese.
Ang Galleria Doria Pamphilij ay ang kauna-unahang museo na
napasyalan ko at ayon na rin sa utos ng aking professor sa
“restorasyon” dahil may mga ilang paintings daw silang nais
ipalinis sa aming eskwelahan. Pinapunta ako doon upang
obserbahan ko ang ilang parametro ng kapaligiran ng museo
tulad ng lakas o tingkad ng ilaw, temparatura at relative
humidity. Tuwang-tuwa naman ako dahil nang dumating ako
doon at nalaman nilang ako’y padala ng Istituto Centrale Per il
Restauro upang alamin ang pinagmumulan ng problema ng ilang
mga paintings nila ay todo asikaso nila sa akin. Ayon sa
5. "cassette tape" na kanilang ipinahihiram sa mga bisita upang
ipadinig ang istorya ng museo at ang mga koleksiyon dito, ang
museong ito ay isang pribado at pagmamay-ari ng angkan ng
Doria Pamphilij na dating prinsipe ng Roma.
Umaabot din sa libo ang dami ng kanilang koleksiyon ng mga
paintings at ang karamihan ay gawa ng mga sikat na pintor tulad
nina Titiano “Salome”, Parmigianino “Madonna and Child”,
Caravaggio “Rest on the flight into Egypt”, at Velazquez
"Portrait of Innocent X". Mayroon din silang mga paintings nina
Carracci, Savoldo, Salvator Rosa, at iba pa. Bawal nga lang
kuhanan ng larawan ang mga paintings dahil copyrighted daw
nila ang mga larawan nito. Kaya bilang ala-ala ay bumili na lang
ako ng ilang cartolina(postcards) na binebenta nila.
Sa Galleria Nazionale del Arte Moderna ko naman nakita ang
mga paintings na napapabilang sa ika-19 at ika-20 siglo. Sa
madaling salita, ang mga paintings na ginawa noong panahon ng
Impressionism. Ayon sa aking obserbasyon, ang mga kulay na
ginamit ng mga pintor ay hindi mga tutoong kulay ng mga
bagay bagkos ito ay nakaayon sa kanilang sariling personal na
panlasa o interpretasyon. Dito ko nakita ang ilang mga paintings
nina Vincent Van Gogh, Monet at Manet, De Chirico, Pollock at
marami pang iba. Bawal kunan ng larawan ang mga paintings
pero paminsan-minsan ay kumukuha rin ako ng patago. Marami
akong nakuhanang pictures nang mag-tanghalian ang karamihan
sa kanilang mga bantay. Dahil dito ay nakuhanan ko ng pictures
ang mga paintings ni Vincent Van Gogh. Kaya lang noong
naparami naman ng husto ang pagkuha ko ng litrato ay nahuli
rin ako ng isang bantay at pinagalitan ako. At para makasiguro
6. na hindi na ako makakakuha pa ng picture ay lagi na niya akong
sinusundan kahit saan ako magpunta.
Napagod ako ng husto sa pag-iikot sa loob ng museong ito dahil
napakalaki at napakalawak ng gusali. Marahil mga dalawang
beses ang laki nito sa ating Pambansang Museo. Halos naubos
ko ang kalahating araw sa loob ng museo. Noong matapos na
ako sa pag-iikot, bago umuwi ay dumaan muna ako sa kanilang
café. Ngunit kape lang ang nabili ko dahil sa sobrang mahal ng
kanilang bilihin. At may dagdag pang bayad kung ikaw ay
kakain ng nakaupo. Noong bumili ako ng kape, kinausap ko ang
kanilang pinaka-boss at pinakiusapan ko na baka pwede namang
umupo ako ng hindi na kailangang magbayad pa dahil sa aking
kalagayan. Sa awa naman ng Diyos at sa aking malumanay na
pakiusap ay nakumbinse ko rin siya na paupuin ako ng libre.
Ang Villa Giulia Museo di Etruscano ay mga limang
minutong paglalakad lang mula sa Museo Nazionale del Arte
Moderna. Sa museong ito ko nakita ang sangkatutak na
"artifacts" na nahukay sa iba’t-ibang karatig bayan ng Roma.
Karamihan ay mga banga (jars) na may guhit ng iba’t-ibang
larawan o mga gawain ng tao tulad ng pangangaso at iba. May
mga guhit din sa banga na may tema tungkol sa mga diyos-
diyosan ng mga Etruscano. Ang mga Etruscano ang
pinaniniwalaang isa sa mga ninuno ng mga Italiano. Karamihan
sa mga nahukay dito ay galing pa sa mga matatandang libingan
na may edad na umaabot pa hanggang sa 200 B.C. o dalawang-
daang taon bago pa ipanganak si Hesu-Kristo.
Malaki ang gusaling ito at hugis pabilog. Sa gitna ay may
halamanan na hitik sa mga magagandang bulaklak. Umaabot sa
7. dalawang palapag ang gusaling okupado ng museo. Sa
napakaraming mga artifacts na display dito, ang pinaka gusto ko
ay ang koleksiyon nila ng mga alahas na gawa sa halos purong
ginto at mamahaling bato tulad ng diyamante, esmeralda at rubi.
Karamihan dito ay nahukay din sa mga matatandang libingan.
Ang iba ay galing sa mga hari at prinsipe noong sinaunang
panahon. Ang labis na hinangaan ko ay ang maganda at halos
perfectong pagkakagawa ng mga alahas.Nagpapakita kasi ito ng
yaman ng kanilang kultura maski pa noong unang mga panahon.
Sa mahigit 100 simbahang nabisita ko sa Roma (mga 20% lang
ito ng kabuoang bilang) ang masasabi kong pinakamaganda ay
ang Basilika ni San Pedro sa Vaticano. Mahigit tatlong beses
akong nagpunta dito. Ang una ay simpleng pamamasyal lang.
Iyong pangalawa ay upang magsimba dahil Pasko ng Pagka-
buhay noon ni Hesu-Kristo at ang pangunahing tagapag-misa ay
si Papa Juan Paolo II. Ang pangatlo ay noong nag-tour guide
ako sa aking kaibigang Pilipino na kabrod ko sa Knights of
Columbus. Ang basilika ay napapaligiran ng maraming columns
(mga 284 ang dami ayon sa aking pagkakabilang) na apat-apat
ang ang pagkakahilira at tila pabilog ang hugis at parang hugis
kamay naman ang anyo kung titingnan sa ere. Ang ibig sabihin
daw nito ay ang pagiging bukas ng simbahan sa lahat ng mga tao
sa mundo. Sa itaas ng bawat column ay mga rebolto (umaabot sa
140) ng mga iba’t-ibang santo at martir ng simbahang
Katolika.Makikita rin sa plaza ang dalawang malalaking
fountains na napapagitnaan ng isang "obelisk".
Pila-pila ang lahat ng mga taong pumapasok sa loob ng
simbahan. Nagdadaan muna kasi sila sa matinding pag-
iinspeksiyon. Nag-iingat kasi sila na malusutan ng mga terorista.
8. Noong nakapasok na ako ay namangha ako sa laki at lawak ng
simbahan, at sa matinding dekorasyon nito na gawa sa ginto at
iba’t-ibang klase ng bato. Lahat na yata ng kulay ng mamahaling
marmol ay nandito na: pula, puti, itim, dilaw at iba pa. Ang iba
ay galing mismo dito sa Italia samantalang ang iba ay kinuha pa
daw sa bansang Ehipto.
Mayroong mga kapilya sa loob ng basilica kung saan mayroong
mga paintings ng mga santo o ni Hesukristo sa pinakapader ng
altar. Subalit sa lahat ng mga tanawin sa loob ng simbahan ang
lugar na napansin kong laging may pinakamaraming tao ay ang
lugar kung saan nandoon ang iskultura ni Michelangelo na
tinatawag na “La Pieta”. Ito’y rebolto ng nakaupong mahal na
birheng Maria na tangan-tangan ang patay na katawan ng
kanyang anak na si Hesukristo. Ito ay ginawa ni Michelangelo
sa okasyon ng Jubileo noong taong 1500.
Ang “Baldachin” ay isa pang magandang bagay sa loob ng
simbahan. Ito ay gawa ni Bernini at isang istrukturang gawa sa
bronze na binubuo ng apat na pillars na pa-helix ang hugis. Ito
ang pinaka pangunahing altar kung saan nagmimisa ang papa.
Ngunit ginawa rin ito upang bigyang pugay ang nitso ni San
Pedro na nasa ilalim mismo ng altar. Noong bumaba nga ako ng
basement ay nakita ko ito at dito ko rin nalaman na sa lugar na
ito nakalibing din ang iba pang naging papa ng simbahang
katolika. Umakyat rin ako sa malapit sa pinaka-dome ng basilica
dahil may elevator namang paakyat dito. At dito ko nakilala ang
isang madreng kababayan natin na isa sa mga staff sa kanilang
souvenir shop. Mula sa lugar na ito ng basilica ay halos tanaw
ko na ang buong siyudad, palibhasa’y ito ang pinakamataas na
istruktura sa buong Roma. At nalaman kong magmula noong
9. itinayo ito at hanggang ngayon ay ipinagbabawal magpatayo ng
anumang gusali na mas mataas pa sa Basilica ni San Pedro.
Subalit bukod dito kilala ang Roma sa marami nitong tinatawag
na “open air museums” o mga matatandang estruktura na
ginawa ng kanilang mga ninuno na umaabot na ng daang taon
hanggang libong taon ang tanda. Halos 90% ang kabuoang
bilang na nabisita ko. Ang mga sumusunod ay ang itinuturing
kong sampung pinakamagagandang lugar na napuntahan ko:
Colosseo, Castel San’t Angelo, Pantheon, Fontana di Trevi,
Bocca della Verita, Monumento ni Vittorio Emmanuele II,
Piazza Navona, Terme di Caracalla, Ostia Antica, at ang Escala
di Piazza Espana.
Verona
Nagkaroon ako ng pagkakataon na marating ko ang Verona ng
ilibre ako sa pamasahe (mahigit 80 Euros balikan mula Roma)
sa tren ng aking mga kaibigang paring Camilliano na sina
Padre Luigi at Padre Alberto Romano. Mahigit 500 kilometro
ang layo nito sa Roma ngunit dahil pinaka-class na tren ang
sinakyan namin inabot lang kami ng mahigit sa dalawang oras
na biyahe. Ang ordinaryong tren ay aabutin ng mahigit apat na
oras bago makarating. Ang siyudad ay nasa may hilagang parte
ng Italya at kilala ito bilang probinsiya nina Romeo at Juliet, ang
batikang nobela ni William Shakespeare. Katulad sa Roma,
halos lakad lang ang aking ginawa upang mapasyalan ko ang
mga kilalang lugar dito. At noong nagpunta ako sa bahay ni
Juliet ay doon ako naniniwala na talaga palang sikat na lugar ito
dahil sa dami ng tao nagpupunta dito. Sa may ibaba ng balcony
10. ng bahay ay may estatwa ni Juliet na gawa sa bronze at doon
nagpapakuha ng larawan ang mga tao.
Napakasuwerte ng tindahan na malapit sa bahay dahil halos
lahat ng tao na nagpupunta doon ay bumibili sa kanila. Ako lang
ang halos hindi makabili doon dahil tinitipid ko kasi ‘yong pera
ko. Samantala, yong bahay naman ni Romeo na ilang minutong
distansiyang paglalakad lamang mula sa bahay ni Juliet ay hindi
masyadong pansinin ng mga tao. Ito marahil ay dahil sa hindi
kasi masyadong naipreserba ang bahay.
Ang isa pa ring kilalang lugar na napuntahan ko sa Verona ay
ang "Ampiteatro Romano" o ang tinatawag din nilang Arena.
Kahawig ito ng Colosseo sa Roma ngunit magkaiba sa naging
gamit. Ang arena sa Verona ay ginamit bilang lugar sa
pagtatanghal ng teatro samantalang ang Colosseo sa Roma ay
ginamit ng mga sinaunang Romano bilang lugar na tinatawag na
“gladiatorial battles” kung saan ang mga kristiyanong bihag ay
pinuwersang magpatayan sa isa’t-isa. At kung sinomang manalo
sa labanan ay pwedeng bigyan ng karapatang maging malaya.
Ang Arena ay may kapasidad na 22,000 kataong manonood.
Magpahanggang ngayon ay ginagamit pa rin ito sa pagtatanghal
sa teatro lalo na sa panahon ng tag-init o summer.
Sa maraming simbahang nabisita ko sa siyudad, ang Cathedral
(Il Domo) ang masasabi kong pinakamaganda at malaki. Ito ay
sinimulang gawin noon pang 1187 A.D. Ang harapan ng
katedral ay may kombinasyon ng "Romanesque" at "Gothic" na
istilo. Sa loob ng katedral ay makikita ang isa sa mga paintings
ni Tiziano na may pamagat na “Assumption”. Matapos ang
nakapapagod na pag-iikot sa loob ng katedral ay nagmerienda
ako sa isang café na nasa harapan lang ng katedral. At bilang
11. konsuelo sa pagkain ko sa kanilang café ay pinakiusapan ko
yong waiter nila na kunan ako ng mga larawan na ang
"background" ay ang maganda nilang katedral.
Nagpunta rin ako sa Piazza dei Signori kung saan naroon ‘yong
Scaliger palace(12 century edad). Ang palasyong ito ang
naging tirahan ni Dante Alligheri, ang sumulat ng nobelang
“Divino Comedia”.
Inabot na ako ng gabi sa pamamasyal sa ibat’t-ibang lugar sa
Verona. Dahil sa maghapong paglalakad ay sumakit ang buo
kong katawan. Ngunit hindi ko ito alintana dahil sa mga
magagandang tanawin na aking nakita.
Venezia (Venice)
Pagkatapos ng isang araw kong pamamasyal sa Verona ay sa
Venezia naman ako pumunta. Napansin ko kasi sa mapa na
malapit lang pala ito sa Verona at marahil ay hindi magastos sa
pamasahe sa tren. Hindi nga ako nagkamali dahil inabot lang ng
12 euros (ordinaryong pamasahe) ang binayad ko mula Verona
hanggang Venezia at pabalik. Ang pinlano kong tumbuking
lugar dito ay ang kilalang Piazza San Marco. Dahil sa layo nito
mula sa estasyon ng tren kailangang sumakay pa sa ferry boat.
Ngunit hindi ko ito ginawa dahil napakamahal ng
pamasahe.Umaabot sa 10 euros ang pamasahe papunta pa lang
doon. Pinag-aralan kong muli ang mapa at napansin ko na
pwede rin pala itong lakarin. Iikutin ko nga lang ang buong isla
at dadaan sa napakaraming mga maliliit na tulay. Dahil maaga
pa naman (6 a.m.) nang dumating ako sa Venezia(Venice) inisip
ko na marahil kasya naman ang buong maghapong paglalakad
12. ko upang marating ko ang Piazza San Marco. At ganun nga ang
aking ginawa.
Sa paglalakad ko ay marami akong magagandang tanawing
nadaanan; may ilang simbahan din akong pinasok tulad ng
simbahan ng Santa Maria dei Miracoli. Kahit na sakit sa
katawan ang inabot ko sa paglalakad ay ayos lang dahil masaya
naman ako sa ginagawa ko at naaaliw ako sa dami ng mga taong
nakakasabayan ko sa paglalakad. Napakaraming Filipino dito
ang nakahuntahan ko habang naglalakad. Kahit saang lugar yata
dito sa Italia ay may mga Filipino. Ang ilang kababayan natin na
nakasabayan ko sa pamamasyal ay galing pa sa ibang bansa
tulad ng Amerika.
Kung hindi ko na kaya pang maglakad dahil sa pagod ay
humihinto ako pansamantala sa isang lugar. Kadalasan ay sa
isang kainan. Ang isang lugar na hinintuan ko dito ay sa
McDonald’s. Sa palagay ko kaisa-isa lang ito sa buong Venice.
Wala namang masyadong pinagkaiba ito sa McDonald’s dito sa
atin sa Pilipinas. Halos pareho lang din sa atin ang binebenta
nila, siyempre pa mga hamburgers. Ang napansin ko lang na
wala sila ay "spaghetti". Ito rin ang napansin kong wala sa halos
lahat ng mga McDonald’s na napuntahan ko dito sa Italia at
hindi ko alam kung bakit. Marahil ay baka hindi ito magki-click
sa mga Italiano dahil sawang-sawa na sila sa pagkain ng pasta.
Medyo high-tech ang Mcdonald’s nila dito dahil yong comfort
room nila ay nakacomputer lock pa. Makakapasok ka lang dito
kung bibili ka sa kanila. Nasa resibo kasi yong numerong
gagamitin para pambukas ng kuwarto.
13. Pagkatapos makakain at makapahinga ng ilang minuto ay
tumulak muli ako sa paglalakad. Masikip lang ang mga kalye
dito kaya walang mga sasakyan. Lahat ng mga tao ay naglalakad
lamang. At bawat 50 hanggang 100 metro ay may mga malilit na
tulay na madadaanan. Humihinto ako sa bawat tulay na aking
nadadaanan para magpakuha ng litrato. Sa gilid ng ibang mga
tulay ay mayroong naghihintay na "gondola". Hindi ko
magawang makasakay dahil napakamahal sa budget ko ‘yong
arkila. Sa mahigit kalahating oras lamang kasing pamamasyal sa
Grande Canal ay aabot na sa 100 euros ang bayad. Mahigit sa
7,000 piso na ito sa halaga ng pera natin. Bilang ala-ala ay
nagpakuha na lang ako ng litrato dito.
Inabot ako ng mahigit limang oras sa paglalakad bago ko
narating ang inaasam-asam kong lugar na Piazza San Marco.
Isang balde yata ng pawis ang tumagaktak sa katawan ko bago
ko ito narating. At nang marating ko ito, labis-labis ang aking
kasiyahan. Hindi nasayang ang aking mahabang paglalakad
dahil sa napakaganda ng lugar. Grabe ang dami ng mga kalapati
dito! Hindi ko mabilang sa dami at halos dikit-dikit sila kapag
nakalapag sa kalye. Wala na halos malakaran ang mga tao. Pero
nakakatuwa sila dahil kapag naglalagay ang sinoman ng buto ng
mais sa palad niya ay nag-uunahan sila sa paglipad papunta sa
kanyang palad. Ang mais na pinapakain sa kanila ay mabibili
lang sa ilang nagbebenta dito. Isang euro ang halaga ng bawat
isang plastic (mga 50 gramong bigat) ng buto ng mais.
Ang bagay na nakapagtataka dito, sa kabila ng libo-libong
kalapati sa plasang ito ay wala akong nakitang mga dumi ng
hayop sa sahig. At wala rin akong naamoy na panghi na bunga
ng kanilang ihi. Ibig sabihin lang ay talagang matinding
14. paglilinis ang kanilang ginagawa dito. At hinahangaan ko ang
mga Italiano sa pagiging malinis. Halos lahat ng mga comfort
rooms(CR) pampubliko na napasukan ko ay tunay na kaylilinis
at kaybabango.
Pagkatapos kong magpakuha ng litrato sa plaza ng San Marco
ay pumasok ako sa kilalang Basilica di San Marco na nasa
harapan lang nito. Ang basilica ay lumang-luma na at mahigit sa
800 taon na ang tanda nito. Ang hinahangaan ko dito ay ang
palamuti nitong "mosaico" na gawa sa ginto at mga bato na may
iba’t-ibang kulay. Mga mosaicong gawa sa ginto ang
karaniwang nakapalamuti sa bubungan nito samantalang
mosaicong gawa sa iba’t-bang bato naman ang nakalagay sa
mga sahig. Pila-pila at dikit-dikit ang mga tao dito sa pag-ikot sa
loob ng simbahan. Ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan dito
na noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit subalit nang
makita ko sa isang lugar sa loob ng simbahan na may nagtitinda
ng mga libro, post cards at ilan pang bagay tungkol sa simbahan
ay naisip kong ito na siguro ang kasagutan sa tanong ko. Kaya
bilang ala-ala ay bumili na rin ako ng ilang mga post cards tulad
ng mosaico na nasa bubungan at mga sahig ng simbahan.
Mag-aalas-singko na ng hapon nang makabalik ako sa estasyon
ng tren. Baka maiwanan pa kasi ako ng tren dahil nakabili na
ako ng tiket pabalik ng Verona. Ang tren ay aalis ng mga alas-6
y media ng gabi. Dahil halos gabi na at imposibleng marating ko
ang estasyon sa paglalakad lang kaya napuwersa na rin akong
sumakay ng ferry boat pabalik. Kahit na medyo magastos din ito
sa akin ay okey na rin dahil kahit papaano nakatipid na ako ng
konti sa pagpunta ko sa Piazza San Marco.
15. Firenze(Florence)
Umabot ng mahigit sa isang buwan bago ko nadesisyonang
pumunta dito mula sa lugar na aking tinutuluyan sa Roma. Nag-
ipon muna kasi ako ng pera para panggastos at pinag-aralan ko
rin muna sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro ang tungkol sa
lugar at mga pasikot-sikot dito. Masuwerte naman ako dahil
natulungan muli ako ng kaibigang kong paring Camilliano sa
pamamagitan ng pagpayag niya sa akin upang tumira ng isang
araw sa kanilang konbento sa Firenze. Malaking bagay kasi na
makalibre ako sa tirahan sa mga lugar na pinupuntahan ko dahil
masyadong mahal kasi sa Italia ang mga tirahan. Gaya ng dati ay
nagtren ako papunta dito at ordinaryo lang ang aking sinakyan
kaya umabot ng mahigit apat na oras ang biyahe kumpara sa
kulang-kulang na dalawang oras lang kung iyong pinakamahal
na tiket ang binili ko. Inabot sa mahigit sa 15 euros ang binayad
ko sa pamasahe papunta lang doon. Dobleng halaga ang aabutin
kung first class ang sinakyan kong tren. Muntik pa akong
maligaw sa paghahanap sa konbento na titirhan ko. Halos lahat
kasing matanungan ko ay hindi alam ‘yong lugar.Ngunit dahil sa
pagpupursige ko ay nakita ko rin ito sa wakas. Kumain at
nagpahinga muna ako ng ilang minuto bago ako nagsimulang
mamasyal muli.
Kahit hinihila na ng kama ang katawan ko upang mamahinga ay
pinigil ko ang aking sarili dahil ayaw kong sayangin ang
panahon na pinagkaloob sa akin dito sa Firenze. Para sa akin
bawat oras ko dito ay ginto dahil maaring hindi na maulit pa ang
ganitong pagkaktataon sa aking buhay. At gaya ng aking
karaniwang ginagawa sa bawat lugar na aking pinapasyalan,
16. madalas ay nilalakad ko lamang ang mga lugar na gusto kong
puntahan.
Ang una kong pinuntahan ay ang simbahan na kahit saang lugar
ako nandoon ay tanaw na tanaw ko. Ito ‘yong simbahan na
tinatawag nilang “Il Domo” o Basilica di Fiore. Ang laki-laki
nito at napakahaba (may 500 metro x 38 metro ang sukat).
Itinuturing itong isa sa pinakamalaking simbahan sa buong
mundo. Ito sinimulang itayo noong 1294 at napapalamutian ito
ng mga iba’t-ibang klaseng marmol na may iba’t-ibang kulay
tulad ng pula, puti, berde at iba pa. Ang harapan ng simbahan ay
may Gothic na disenyo. Ang basilika at ang katabi nitong "bell
towe"r ay dinisenyo ni Giotto. Pagkatapos ko dito ay sumakay
ako ng bus upang makahanap ng iba pang magandang
mapapasyalan. Matapos ang ilang minutong pag-lalakbay ay
bumaba ako sa isang lugar na mayroong isang simbahang
nakapukaw ng aking pansin dahil sa maganda nitong disenyo.
Noong bumaba ako at nagtanong-tanong tungkol sa pangalan ng
simbahan ay nalaman ko na simbahan pala ito ng Sta. Croce.
Hindi ko na nagawang pumasok sa loob ng simbahan dahil mag-
gagabi na noong makarating ako dito. Kaya bilang ala-ala ay
nagpakuha na lang ako ng larawan dito.
Kinaumagahan nang sumunod na araw ay nagpaalam na ako at
nagpasalamat sa mga paring nagpatuloy sa akin sa kanilang
konbento. Ngunit ang paalam ay hindi ibig sabihin ay uuwi na
ako.Sa kinagabihan pa plano kong umuwi dahil marami pa
akong pupuntahan sa Firenze. Ang sumunod kong pinlanong
puntahan ay ang Galleria del Academia. Nandito kasi ‘yong
sikat na istatwa ni “David” na ginawa ni Michelangelo. Ngunit
bago ako nagpunta dito ay may namataan akong simbahan na
17. malapit lang sa Academia. Napukaw ang aking pansin dito dahil
sa gilid ng simbahang ito ay may isang museo. Nalaman ko nang
puntahan ko ang lugar, na ito pala ‘yong Basilika at Museo ni
San Marco. Laking gulat ko dahil nang pumasok ako sa loob ay
puro pala mga paintings ni Beato Angelico ang mga
nakadisplay dito. Natuwa ako dahil ilang araw bago ako
pumunta sa Florence ay nakabili ako ng segunda manong libro
tungkol sa mga paintings ni Beato Angelico na plano kong
ipanregalo sana sa mga kaibigan ko sa Pilipinas. Matapos ang
isang oras na pag-iikot-ikot ko sa loob ng museo at simbahan ay
naglakad na ako patungong Galleria del Accademia. Malayo
palang ay pansin ko na ang napakahabang pila ng mga taong
nagnanais na makapasok sa loob ng galleria. Ngunit gaya ng
ibang mga lugar na pinuntahan ko hindi na ako pumila pa dahil
alam kong maiintindihan naman nila ako dahil sa aking
kapansanan. At tulad ng lahat ng mga lugar na napuntahan ko
na, libre akong nakakapasok sa loob matapos kong ipakita sa
kanila ang dokumento na nagpapatunay na ako ay isang iskolar
ng gobyerno ng Italia. Tipikal ang museong ito dahil katulad
ibang mga museo na nabisita ko na, puno rin ito ng mga
paintings ng mga sikat na Italyanong painters.Nahahati ang mga
paintings ayon sa siglo ng kanilang pagkakagawa.Sa aking
pagkakatanda, mula ika-13 siglo hanggang ika-18 siglo ang mga
paintings na nakadisplay dito. Ang karamihan sa mga paintings
na ginawa sa ika-13 hanggang ika-14 na siglo ay mga
"tempera". Samantala, ang mga paintings sa ika-15 siglo
hanggang ika-18 siglo ay mga "oil paintings". Sa mga
"distemperang paintings" na nakita ko, napansin ko rin marami
dito ay “illuminated” o nahahaluan ng ginto ang ilang parte ng
paintings. Karaniwan ang ginto ay inilalagay sa bandang ulunan
lalo na kung ito’y ulo ng santo o ni Birheng Maria o ni Kristo
18. Hesus. Ito ay upang ipahiwatig ang kanilang pagkabanal at
kapangyarihan. Ngunit sa lahat ng mga nakita ko sa loob ng
museo, ang higanteng istatwa ni David ang pinakagusto ko, at
maging ng halos lahat ng mga taong namamasyal dito. Ito’y
gawa ni Michelangelo, isang batikang iskultor, painter at
arkitekto. Halos lahat na yata ng mga artworks sa Italya ay gawa
niya. Bawal itong kuhanan ng larawan dahil siyempre
pinagkikitaan nila ang pagbebenta ng mga larawan nito. Ngunit
matigas ang aking ulo dahil patago ay kinukuhanan ko ito ng
mga larawan.
Pagkatapos ng mahigit sa isa’t kalahating oras na pagliliwaliw
ko sa loob ng Galleria del Academia ay denisisyonan ko ng
umalis dahil marami pa akong ibang lugar na pupuntahan.
Ang sumunod na tinarget kong puntahan ay ang Galleria Uffizi.
Gaya ng dati panay lakad lang ang ginawa ko upang makarating
dito. Wala rin kasing sasakyang pinapayagang pumunta dito.
Maluwag naman ang daan pero marahil ang dahilan upang hindi
na ito pinapadaanan pa ng mga sasakyan ay upang hindi na
magkaroon ng traffic sa daan dahil napakarami kasing mga
taong naglalakad sa kalye. Ang ganda ng mga
tanawin papuntang Piazza Signoria kung saan naroon ang
Uffizi Gallery. Magkabila kasi ng kalsada ay puno ng mga iba’t-
ibang tindahan tulad ng mga damit, mga panregalo, at maging
mga gelato o ice-cream. Inabot ng mahigit sa isang oras na
paglalakad bago ko narating ang Plaza Signoria mula sa
pinanggalingan kong Galleria del Accademia. Mahigit dalawang
kilometrong lakad din kasi ang ginawa ko. Pagod na pagod ako
pero siyempre hindi ko ito inalintana dahil alam kong
magandang lugar naman ang aking pinupuntahan. Alam kong ito
19. na ang plaza dahil sa mga malalaking istatwa na aking nakita sa
lugar na ito. Ang pinakamalaking istatwa dito ay iyong istatwa
ni David na ginawa rin ni Michelangelo. Napapaligiran ito ng
maliliit na istatwa ng mga babae at mayroon din itong fountain.
Ilang minuto lang ang itinagal ko dito dahil maghahapon na at
alam kong magtatagal ako sa loob ng Uffizi Galleria dahil ayon
sa aking pagbabasa malaki ito at napakaraming mga paintings at
istatwang nakadisplay dito. Hindi nga ako nagkamali dahil nang
nagpunta ako dito ay nagkandasawa ako pagtingin sa mga
paintings dito. Halos lahat ng mga paintings na nakikita ko
lamang sa mga libro ay dito ko nakita. Halimbawa dito ay ang
painting ni Leonardo da Vinci na “Assumption”. Nandito rin ang
mga paintings nila Carravagio, Giotto(Majesty), Rosso
Fiorentino (Angel Musician), Simone Martini(Annunciation),
Botticelli (Allegory of Spring at Birth of Venus), Michelangelo
at marami pang iba. Ngunit nang madaanan ko ang mga
paintings ni Philippino Lippi ay napangiti ako dahil naisip kong
baka kababayan natin ito dahil sa pangalan niyang Philippino.
Ngunit isang illusyon ko lang ito dahil alam kong wala siyang
koneksiyon sa ating bansang Pilipinas. Mahigit dalawang oras
kong inikot ang buong galleria. Kahit na masakit na ang aking
likod at kasukasuan sa paglalakad ay tiniis ko, at pinagsikapan
kong makita ang halos lahat ng mga artworks na nakadisplay
dito. Nakatanim kasi lagi sa isip ko na hindi ko dapat palagpasin
ang mga ganitong pagkakataon dahil maaring hindi na muli pa
ito dumating sa akin.
Pagkatapos sa Galleria Uffizi ang huli kong pinuntahan ay ang
sikat na “Ponte vecchio”. Mga 200 metro lang ang distansiya
nito sa Galleria Uffizi. Sa may daanan papuntang Ponte Vecchio
20. ay punong-puno ng mga tindahan at mga tao na nagtitinda ng
kung anu-ano. Ang napansin kong karamihang nagtitinda dito ay
mga Afrikanong dumayo pa dito upang maghanap ng kanilang
kapalaran. Sa halos lahat yata ng probinsiya ng Italia ay
naroroon sila. Sa Roma, madalas ko silang nakikita sa may
Castel San’t Angelo at sa Vaticano. Dagli silang nagtatakbuhan
kapag may dumarating na mga pulis. Ilegal kasi ang pagtitinda
sa kalsada kung walang permit at hindi nakapagbabayad ng
buwis sa gobyerno. Nang marating ko na ang Ponte vecchio ay
napangiti ako dahil lugar lang pala ito kung saan ay mayroong
maraming tindahan ng mga alahas na ginto. Hindi na ako
masyadong nagtagal dahil wala naman akong perang pambili ng
alahas at saka malapit ng dumilim. Ang kamang-mangha dito sa
Italya ng panahong iyon ng tagsibol(Spring), alas-ostso na ng
gabi ay saka palang papalubog ang araw. Noong makarating ako
sa estasyon ng tren ay napuwersa akong bumili ng first class na
tiket dahil ‘yong murang ticket ay baka abutin na ako ng
madaling araw bago ako makarating sa Roma.
Dahil sa sakit ng buo kong katawan mula sa mahabang
paglalakbay sa Firenze ay ipinasya kong huwag na munang
pumasok sa eskwela. Nagpadala na lamang ako ng text message
sa aking mga professora sa Institute na hindi ako makakapasok
ng araw na yaon.
Ang mga lugar na aking napuntahan sa Italya at ang mga
natutunan ko sa pag-aaral ng “Restoration and Conservation of
Artworks” tulad ng paintings ay itinuturing kong isang
napakagandang ala-ala na dadalhin ko hanggang ako’y
nabubuhay. Labis ang aking pasasalamat sa Diyos dahil sa
kabila ng aking kapansanan ay binigyan Niya ako ng
21. pagkakataon na makapag-aral at makalibot ng libre sa bansang
ito. Itinuturing kong isang malaking suwerte itong dumating sa
aking buhay at dahil dito lalo kong pinupuri ang Diyos na
Maykapal.
(Prof. Crisencio Paner has been teaching at the College of Fine Arts and Design,University of
Santo Tomas Manila for more than 18 years now. He has also been restoring paintings and
other artworks since 2000. His portfolio can be found in his blog,
http://cmpaner.blogspot.com (The Painting Doctor-Restorer/Conservator. He can be
contacted at mobile nos. 0999-9401794 or at 02 4162489)