1. Hindi na lingid sa atin ang paglaganap ng pornograpiya sa ating lipunan. Lantaran nang
ipinagbili sa publiko ang nga babasahin o mga panooring naglalaman ng mga malalaswang
larawan at mga eksena.
Napakalungkot isipin na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakawala sa
pagkagapos sa ganitong suliranin. Habang tumatagal, dumarami ang mga pahayagang ang sentro
ng mga ipinagbibili ay hindi ang anumang balita o lathalain kundi ang mga hubad na larawan ng
mga lalaki at babae. Hindi pa rin nasusugpo ang paglaganap ng mga pelikulang ang pinakasentro
ay hindi istorya kundi ang mga eksena nitong malalaswa.
Bakit ba mahirap sugpuin ang pornograpiya sa ating bansa? Wala ba tayong batas na
nagbabawal dito? Kung meron man, bakit tila mahina ang pagpapatupad nito?
Ayon sa ilang mga alagad ng sining, ang pagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalabas sa
mga larawang nagpapakita ng mga maseselang bahagi ng katawan ay paglabag sa karapatan sa
pamamahayag. Ang mga ito ay bahagi lamang ng sining.
Kasalungat naman ito sa paniniwala ng simbahan. Para sa kanila, ito ay makademonyong
layunin at magsisilbing lason sa isipan ng mga tao. Ito rin ay isang uri ng pagsasamantala sa
kahinaan ng mga artistang sangkot lalo na sa mga menor de edad pa lamang at ayon sa kanila,
sagrado ang ating katawan. Kaya ito ay maituturing na paglabag na rin sa karapatang pantao.
Kung susuriin nating mabuti, sa kasalukuyan ay laganap ang kriminalidad sa ating bansa at
karamihan sa mga ito ay panggagahasa at pang-aabusong sekswal lalo na sa mga batang wala
pang muwang sa mundo ng kalaswaan. Marami sa mga manggagahasa lalo na sa mga bata pa ay
nagsabing ang kamalayan nila sa seks ay nakuha nila sa mga babasahin at pelikulang itinitinda sa
mga bangketa at makikita sa mga telebisyon. Ipinapanood sa kanila ng mga taong dapat sana ay
siyang magturo at gagabay sa kanila sa tamang landas.
Kaya naman sa pangyayaring ito, dapat na magising tayong mga Pilipino. Huwag nating
hayaang marami pang dumi ang kakalat sa ating bansa. Isa pa naman tayong Kristiyanismong
bansa kaya dapat magtulungan at magkaisa tayo sa pagsugpo ng lumalalang problemang ito.