2. Talumpati sa Inagurasyon ni Barack H. Obama II
Ika-44 na Pangulo sa Estados Unidos
Washington , D.C. , Enero 20, 2009
Salin ni Alvin Ringgo Reyes
Mga kababayan ko:
Ako’y nasa harap ninyo ngayon, may pagpapakumbaba sa tungkuling sa
ati’y naghihintay, puno ng pasasalamat sa tiwalang inyong ipinagkaloob, malay
sa mga sakripisyong pinagdaanan ng ating mga ninuno. Pinasasalamatan ko si
Pangulong Bush sa pasisilbi niya sa bansa, gayundin sa pagiging bukas palad at
sa pakikiisa sa transisyong ito ng pamamahala.
Apatnapu’t apat na Amerikano na ang nanumpang pangulo. Binigkas ang
panunumpa kung kailan namamayani ang kasaganaan at kapayapaan sa bansa.
Gayunpaman, marami ring pagkakataon na ginanap ang panunumpa sa gitna ng
ulap at unos na sa ati’y sumusubok. Sa mga sandaling tulad nito, nananatili
tayong nakatayo hindi lamang dahil sa kakayahan o kahandaan ng mga nasa
kapangyarihan kundi dahil Tayong mga Mamamayan ay nanatiling tapat sa mga
paniniwala ng ating mga ninuno at totoo sa isinasaad ng mga dokumentong
nagtatag sa atin.
Gayon tayo noon. Kaya dapat lamang na maging gayon din ang
kasalukuyang henerasyon ng mga Amerikano.
3. Ganap na ngayong nauunawaang tayo’y nasa panahon ng krisis. Ang ating bansa ay
nakikidigma laban sa sanga-sangang karahasan at poot na malayo na ang nararating.
Lubhang nanghihina ang ating ekonomiya hindi lamang dahil sa kasakiman at
kawalang pananagutan ng ilan, kundi dahil din sa pangkalahatang kabiguan nating
makagawa ng mabibigat na pasiya at maihanda ang bansa sa makabagong panahon.
Maraming nawalan ng tahanan; maraming natanggalan ng trabaho; maraming
nagsarang negosyo. Naging napakamahal nag pangangalaga sa ating kalusugan;
lubhang marami ang di makapasok sa ating mga paaralan; at bawat araw na
lumilipas ay lalo lamang nagpapatunay na ang paggamit natin ng enerhiya ay lalong
nagpapalala sa ating mga problema at nagbabanta sa ating daigdig.
Ang mga ito ang mga pananda ng isang krisis , na inaayunan ng mga datos at
estadistika. Bagama’t hindi gaanong nasusukat, isang simbigat na suliranin ang
pagkawala ng tiwala ng mga mamamayan bunsod ng di maalis na takot na wala nang
makakapigil sa pagbagsak ng Amerika at hindi na makakapangarap nang mataas ang
susunod na henerasyon.
Ngayon, sinasabi ko sa inyong totoo ang mga pagsubok na ating kinakaharap.
Seryoso ang mga ito ay sadyang marami. Hindi madaling mahaharap ang mga ito at
malulutas sa maikling panahon lamang. Ngunit, tandaan mo, Amerika:
mapagtatagumpayan ang mga pagsubok.
4. Sa mga araw na ito, nagsasama sama tayo upang iyahag ang
pagtapos sa walang-kabuluhang mga daing at bulaang pangako,
ang mga putik na ibinabato at gasgas na paniniwalang sumakal sa
ating politika sa nakalipas na mahabang panahon.
Nananatili tayong isang batang bansa, ngunit ayon nga sa wika ng
Banal na Kasulatan, dumating na ang panahon upang isantabi ang
mga gawaing pangmusmos. Dumating na ang panahon upang
pagtibayin ang ating di nagmamaliw na diwa; upang pumili ng
isang mas magandang kasaysayan; upang isulong ang isang
mahalagang biyaya, ang isang dakilang kaisipang ipinapasa-pasa
sa bawat salinlahi. Ang pangakong binitawan ng Panginoon na
lahat ay pantay, lahat ay malaya, at lahat ay nararapat
magkaroon ng pagkakataong abutin ang kanilang ganap na
kaligayahan.
Sa muling pagkilala sa kadakilaan ng ating bansa, natatalos nating
hindi ito basta ipinagkaloob sa atin. Ito’y pagsisikapan nating
matamo. Kailanman, ang ating paglalakbay ay hindi naging
pagpili sa mas madaling daan o sa pagiging masaya sa kung ano
na lang ang mayroon.
5. Hindi ito naging landas para sa isang duwag—para sa mga taong higit
na pinipili ang paglilibang kaysa paggawa o hinahabol lamang ang
kasiyahang dulot ng kayamanan at kabantugan. Sa halip, ang mga
taong sumubok, kumilos, lumikha ng mga bagay—ang ilan sa
kanila’y kilala ngunit ang mas marami’y karaniwan, mga taong
walang natatanggap na pagkilala sa kanilang mga pagsisikap—ang
umakay sa atin sa mahaba at mabatong daan tungo sa
kasaganaan at kalayaan.
Para sa atin, dinala nila ang ilan nilang mga ari-arian at naglakbay
sa mga karagatan upang tumuklas ng bagong buhay.
Para sa atin, nagtrabaho silang mabuti at inihanda ang Kanluran;
tiniis nila ang hagupit ng latigo at nilinlang ang matigas na lupa.
Para sa atin, lumaban sila at namatay sa lugar tulad ng Concord at
Gettysburg; Normandy at Khe Sahn.
Muli’t muli , ang kalalakihan at kababaihang ito’y nagsikap at
nagsakripisyo at kumilos hanggang sa malamog ang kanilang mga
kamay upang magtamasa lamang tayo ng mas mabuting buhay.
Nakita nila ang Amerika nang higit pa sa lahat ng ating mga
pagkakaiba-iba sa kapanganakan, yaman, o pangkat na
kinabibilangan.
6. Ito ang paglalakbay na ipinagpapatuloy natin ngayon. Nananatili tayong
pinakamaunlad at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig. Lalong
naging mabunga ang ating manggagawa sapul nang magkaroon ng
krisis. Lalong naging malikhain ang ating mga isip, lalong kinailangan
ang ating mga produkto’t serbisyo noong nakalipas na linggo, buwan
o taon. Hindi nababawasan ang ating kakayahan. Gayunpaman,
siguradong lumipas na ang mga yugto ng kawalan ng paninindigan,
pangangalaga sa mabababaw na interes at pagbuo ng mga di tamang
pasya. Simula sa araw na ito, dapat tayong tumayo, ihanda ang ating
mga sarili at muling simulan ang paglikha sa bagong Amerika.
Saanmang dako natin ibaling ang ating paningin, may gawaing dapat
tapusin. Nananawagan ng pagkilos ang ekonomiya, at kikilos tayo
mang matapang at mabilis hindi lang upang makalikha ng mga bagong
trabaho kundi upang maglatag ng bagong pundasyon para sa paglago.
Magtatayo tayo ng mga daan at mga tulay, ang nagsisilbing mga
kawad ng kuryente at kable ng teleponong bumubuhay sa ating mga
negosyo at nagbubuklod sa atin. Muli nating iluluklok ang agham sa
dapat nitong kalagayan at lulubusin ang mga biyaya ng teknolohiya
upang maitaas ang kalidad ng pangangalagang pangkalusugan at
maibaba ang halaga nito. Lilinangin natin ang araw at ang hangin at
ang kalupaan upang paandarin ang ating mga sasakyan at pakilusin
ang ating mga pabrika. Babaguhin din natin ang ating mga paaralan,
kolehiyo, at unibersidad upang makatugon sa mga kahingian ng
makabagong panahon. Lahat ng ito’y magagawa natin. Lahat ng ito’y
gagawin natin.
7. Sa kasalukuyan, may mga kumukuwestiyon sa
mga hangganan ng ating mga pangarap, may
mga nagsasabing hindi kayang pangatawanan
ng kasalukuyan nating sistema ang
napakaraming malaking plano. Madali silang
makalimot. Nabura na sa kanilang alaala
kung ano na ang nagawa ng bansang ito; kung
ano ang maaaring maabot ng malalayang
kalalakihan at kababaihan kapag ipinagsama
sama ang kanilang pagkamalikhain at tapang
tungo sa iisang layunin.
8. Ang hindi nauunawaan ng mga walang
samapalataya ay hindi na umaayon sa kanila ang
mga pangyayari—hindi na angkop ang kanilang
mga nilulumot na paninindigang pampolitikang
matagal na ating pinakikinggan. Hindi na natin
ngayon itinatanong kung lubha bang malaki o
maliit ang ating pamamahalaan, kundi kung ito’y
kumikilos—kung tinutulungan ba nito ang mga
pamilyang makahanap ng trabahong may sapat
na kita, abot-kayang pangangalagang
pangkalusugan, pagreretirong may dignidad.
Kung saan oo ang sagot, doon tayo
magpapatuloy. Kung saan hindi ang sagot, wala
tayo roong programang sisimulan. At tayong mga
nangangasiwa sa kaban ng bayan ay
pananagutin—upang gumastos nang nararapat,
magtama ng mga buktot na gawi, magtrabaho
nang matuwid—sapagkat ito lang ang paraan
upang muling maibalik ang tiwala ng mga
mamamayan sa kanilang pamahalaan.
9. Hindi rin itinatanong kung kabutihan ba o
kasamaan ang pinaggagamitan ng mga pamilihan.
Hindi matatawaran ang kakayahan nitong
magbunga ng kayamanan at magpalawig ng
kalayaan, ngunit pinaaalalahanan tayo ng krisis
na ating kinakaharap—at hindi magtatagal, pati
ang kasaganaan ng isang bansang kumikiling
lamang sa mayayaman. Ang tagumpay ng ating
ekonomiya’y hindi lamang laging nakasalaysay sa
kabuuang laki ng ating gross domestic product,
kundi sa naaabot ng ating yaman; sa kakayahan
nating mabigay ng pagkakataon sa mga pusong
nakahandang sumubok—hindi dahil sa
pagkakawanggawa kundi dahil ito ang tiyak na
daan tungo sa kagalingang panlahat.
10. …( Ang panghuling bahagi ng talumpati)
Ito ang gantimpala at pangako ng
pagkamamamayan.
Ito ang pinagmumulan ng ating tiwala sa sarili—ang
karunungang inaasahan sa atin ng Panginoon
upang mahubog ang isang bukas na walang
katiyakan.
Ito ang kabuluhan ng ating kalayaan at ating
paniniwala—kung bakit ang mga kalalakihan
kababaihan at kabataan ng bawat lahi at
pananampalataya’y maaaring magsama-sama sa
loob ng dakilang bulwagang ito, at kung bakit
nagagawa na ng isang tao na tumayo sa harap
ninyo ngayon upang bumigkas ng napakabanal na
sumpa gayong ang ama niya ay ayaw pagsilbihan
sa isang lokal na kainan 60 na taon na ang
nakalilipas.
11. Ipagdiwang natin ang araw na ito nang ginugunita kung sino tayo at
kung gaano na kalayo ang ating nararating. Sa taon ng
pagkasilang ng Amerika, noong pinakamalamig na buwan ng taon,
isang maliit na pulutong ng mga makabayan ang nagsama-sama sa
pampang ng isang nagyeyelong ilog. Iniwan ang punong lunsod.
Parating na noon ang mga kaaway. Tumilamsik ang dugo sa
niyebe. Nang sandaling iyon ng kawalang katiyakan sa
kahahantungan ng ating rebolusyon, iniutos ng ama ng ating
bansa na bigkasin ang sumusunod na pahayag sa mga
mamamayan:
“Hayaan ninyong mabatid ng mga tao sa hinaharap… na sa kalaliman
ng taglamig, kung kailan walang maaaring mabuhay kundi pag-asa
at pagpapahalaga… ay nagsama-sama ang mga bayan at bansa
upang harapin ang iisang panganib.”
12. Amerika. Sa harap ng iisang panganib, sa
malamig na panahong ito ng mga paghihirap,
alalahanin natin ang mga pananalitang
nabanggit. Muli nating harapin ang mga
nagyeyelong alon at suungin ang anumang
bagyong darating nang may pag-asa at
pagpapahalaga. Hayaan ninyong masabi ng
mga anak ng ating mga anak na noong
panahong tayo’y sinubok, hindi natin
tinalikuran ang paglalakbay na ito, na hindi
tayo sumuko o pinanghinaan ng loob; at
gamit ang mga paninging nakatanaw sa
panginorin at sa mga biyaya ng Panginoon,
tinanganan natin ang dakilang kalayaang
inihandog sa atin at ipinasa ito nang may
pag-iingat sa mga sumusunod sa atin.
13. Pansinin ang panimulang pangungusap. Ginamit
ng tagasalin ang konstruksiyong may “ay”. Ano
kaya ang naging epekto kung ang karaniwang
ayos ng pangungusap ang ginamit na panimula ng
diskurso?
Suriin ang siping ito: Ito ang kabuluhan ng ating
kalayaan at ating paniniwala—kung bakit ang
mga kalalakihan, kababaihan, at kabataan ng
bawat lahi at pananampalataya’y maaaring
magsama-sama sa loob ng dakilang bulwagang
ito, at kung bakit nagagawa na ng isang tao na
tumayo sa harap ninyo ngayon upang bumigkas
ng napakabanal na sumpa gayong ang ama niya
ay ayaw pagsilbihan sa isang lokal na kainan 60
na taon na ang nakalilipas.